Saklolo ni PNoy hingi ng Lingayen residents sa black sand
MANILA, Philippines - Umapela kay Pangulong Aquino ang mga residente ng Lingayen para kumilos ito at ipakumpiska ang mga black sand na iligal umanong minina sa kahabaan ng baybayin ng Pangasinan.
Ayon kay Rolando Rea, isa sa mga complainant laban sa iligal mining ng black sand sa nasabing lalawigan, dapat na pakilusin ni PNoy ang Department of Environment and Natural Resources para kumpiskahin ang mga nakuhang black sand at ang machine na black sand separator at iba pang kagamitan sa pahuhukay sa limang ektaryang coastal area sa Pangasinan.
Ang iligal na pagmimina ay sinimulan noong 2011-2013 sa mga Barangay ng Malimpuec, Sabangan, Capandanan at Estanza, kung saan sa mga lugar na ito itinatayo ang 18-hole golf-course project ng provincial government.
Aniya, ang pagmimina ng black sand ay hindi dapat na pinapayagan ng gobyerno lalo pa’t una ng nagpalabas noon si dating Pangulong Fidel V. Ramos ng Proclamation No. 1258 na nagdedeklarang ang Lingayen ay isang critical area.
Ibinunyag pa nito na bagama’t ang ECC ay ipinalabas pa noong Enero 2013 ay wala naman ibang ginawang istraktura dito na para sa naturang golf course, kundi pawang pagmimina lang ng black sand.
Nakapag-quarry na umano sa limang ektaryang baybayin at nakahakot na rin ng 1,000 metrikong tonelada ng black sand.
Una na rin lumiham si Rea kay DENR Secretary Ramon Paje na hindi dapat lagyan ng konkretong pader ang baybaying dagat na sakop ng nasabing mga barangay dahil malaki ang posibilidad na kinu-quarry lang ang black sand dito at ito’y hindi na nakikita ng mga residente.
- Latest