Tuloy ang trabaho – Mayor Binay
MANILA, Philippines - Tuloy ang trabaho ni Makati Mayor Jejomar Erwin S. Binay kahit pa inutos ng Ombudsman noong Miyerkules ang anim na buwang preventive suspension laban sa kanya.
Sinabi ng alkalde sa isang pulong-balitaan kahapon na nakahanda siyang manatili sa city hall hangga’t kailangan para masawata ang anumang tangka ng kanyang mga kalaban sa pulitika na ipalit sa kanya ang isang miyembro ng Liberal Party.
Vice mayor ngayon ng Makati si Kid Peña na kaalyado ng administrasyon.
Kasabay nito, isinampa ng mga abogado ni Binay sa Court of Appeals ang isang petition for certiorari na humihiling na pigilin ang pagpapatupad ng naturang preventive suspension.
Sa pamamagitan naman ng abogadong si Claro Certeza, iginiit ng kampo ng alkalde na may karapatan itong manatili sa pwesto.
“Habang idinudulog sa Court of Appeals ang TRO na ‘yan, merong karapatan si Mayor na umupo muna dito at gawin ang kanyang trabaho, what is the mandate from him by his duties as an elected official until such time that the Court of Appeals will decide on the issue of temporary restraining order.”
Sa petisyong isinampa sa CA ng mga abogado ni Binay, pinuna nila ang umano’y ‘grave abuse of discretion’ ng Ombudsman.
Binanggit nila ang tinatawag na Aguinaldo doctrine na, rito, idineklara ng Supreme Court na sa reelection ng isang petitioner ay nagiging moot at academic na ang anumang nakabinbing kasong administratibo.
Ikinatwiran pa ng mga abogado na iligal umano ang Joint Order ng Ombudsman dahil nabigo itong ipakita na malakas ang ebidensiya laban sa nasasakdal. Labag anila ito sa Rules of Procedure ng naturang tanggapan at sa Republic Act 6770.
Dahil anila sa paglabag sa patakaran ni Binay, kailangang magpalabas ng temporary restraining oder laban sa suspension order.
Sa munisipyo nagpalipas ng magdamag si Binay maging ang mga taga-suporta nito dahil inaabangan umano ang pagsisilbi rito ng suspensyon.
- Latest