Recall sa Puerto ituloy!
MANILA, Philippines - Ito ang panawagan ng may 8,000 residente ng Puerto Princesa City sa Palawan na dumalo sa isang rally sa lunsod na pinangunahan ng Charity of Women’s Federation para gunitain ang International Women’s Day kahapon.
Pinatutungkulan nila sa kanilang panawagan ang recall petition na humihiling sa pagdaraos ng eleksyon para patalsikin sa puwesto si Puerto Princesa Mayor Lucilo Bayron.
May suot na pulang t-shirt na may letrang “Y2R” (Yes to Recall) ang mga nagrali na nagpahayag din ng papuri sa lokal na tanggapan ng Comelec na nanindigan na tapusin ang proseso sa pagkumpirma sa mga lumagda sa petisyon laban kay Bayron.
Matatandaan na isang ‘video clip’ sa ‘YouTube’ at may pamagat na ‘Desperadong Mayor Bayron’ ang kumalat kung saan ipinapakita ang alkalde sa nasabing petsa na “pinupunit” ang opisyal na dokumento ng Comelec sa loob ng PPPC Coliseum upang mapigilan ang proseso ng beripikasyon ng Comelec sa mga lumagda sa recall petition.
Nitong Marso 3, sinabi ng Comelec na iimbestigahan nila si Bayron dahil sa insidente.
Patuloy naman umanong nauubos ang suporta ni Bayron sa lungsod matapos umanong mag-boycott ang mga organisasyon, katulad ng CWA, na inimbitahan niyang lumahok sa isang programa kahapon bilang paggunita sa ‘International Women’s Day.’
“Nilangaw” din umano ang isang ‘multi-sectoral rally’ na kasabay na idinaos kahapon ng mga taga-suporta ni Bayron upang kondenahin ang Comelec sa pagtutuloy ng proseso ng recall laban sa kanya.
Abril 2014, sinabi ng Comelec na “sufficient in form and substance” ang prosesong dinaanan ng recall petition laban kay Bayron.
- Latest