MILF na nakasagupa ng SAF tukoy na ng DOJ/NBI team
MANILA, Philippines - Tukoy na ng Department of Justice/National Bureau of Investigation team ang mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na dawit sa Mamasapano incident noong Enero 25 na ikinamatay ng SAF 44.
Ayon kay Atty. Juan Pedro Navera, assistant state prosecutor na nanguna sa isinagawang ocular inspection sa mismong encounter site, maraming mga residente at mga testigo na ang kanilang nakausap at nakuhanan na rin ng salaysay na makakatulong sa imbestigasyon.
Nakakuha rin ng mga karagdagang ebidensiya mula sa mga residente ang kanilang team tulad ng bullet proof vest at iba pa.
Aniya, agad nilang isusumite ang nakalap na impormasyon para sa case buildup sa kaso sa tanggapan ni Justice Sec. Leila de Lima.
Samantala, lumiham din si de Lima sa liderato ng MILF upang makahingi ng kopya ng resulta ng hiwalay na imbestigasyon na ginawa ng mga ito.
Ang liham ay ipinadala sa pamamagitan ng Coordinating Committee on Cessation of Hostilities (CCCH).
Bukod sa paghingi ng investigation result, hinihirit din ni de Lima ang pakikipagdiyalogo sa mga lider ng naturang rebeldeng grupo bilang bahagi pa rin ng ginagawang imbestigasyon ng DOJ/NBI team.
Ngayong araw ay mismong si de Lima kasama si NBI Director Virgilio Mendez ang personal na pupunta sa Mindanao upang pangasiwaan ang imbestigasyon.
- Latest