Taas pasahe sa PNR ok sa Palasyo
MANILA, Philippines - Suportado ng Malacañang ang planong pagtataas ng pasahe ng Philippine National Railways (PNR).
Ayon kay Communications Sec. Sonny Coloma, napapanahon na rin naman na itaas ang pasahe sa PNR upang magamit nito sa pagpapaganda ng kanilang serbisyo sa mga commuters.
Nagsagawa kahapon ng public hearing ang PNR para sa kanilang planong fare hike kung saan ay gagawing P15 ang minimum fare mula sa P10.
“Parehong prinsipyo din ang gumagabay diyan doon sa prinsipyo na gumabay sa pagsasaayos ng fare structure sa LRT/MRT. Ayon sa ating Philippine Development Plan na siyang batayan ng ating programang pang-ekonomiya, kinakailangan na ang mga gumagamit ng serbisyo ay nagbabayad ng angkop na pamasahe. Kaya’t sinusunod ng DOTC (Department of Transportation and Communications) at ng PNR ang patakarang ito at ‘yan din ang prinsipyong ipinapairal sa pagtatakda ng fare structure sa PNR,” wika ni Coloma.
Ayon kay PNR manager Joseph Allan Dilay, plano nilang ipatupad ang nasabing fare hike noong Enero 4 subalit hindi ito kaagad naaprubahan ng DOTC.
Wika pa nito, ang fare hike ay gagamitin din nila upang pondohan ang improvement ng kanilang serbisyo sa mga commuters na sumasakay sa tren mula Tutuban, Manila hanggang Calamba, Laguna.
- Latest