Eco-tourism project pinapatigil
MANILA, Philippines – Hiniling kahapon ng isang dating opisyal ng Lingayen kay Pangasinan Gov. Amado Espino Jr. na ipatigil na nito ang eco-tourism project sa coastal town ng tatlong barangay na nagkukubli sa black sand mining sa lalawigan.
Ayon kay Leo Lopez na dating kagawad ng Bgy. Malimpuec, Lingayen ang nasabing proyekto ni Espino na pagtatayo ng ‘great wall’ sa barangays Sabangan, Estanza, Malimpuec at Capandan ay iligal at nagsisilbing pantakip sa black sand mining sa kanilang probinsiya.
“Inabandona na nila ang proyekto. Itinigil nila ang pagpapatayo sa golf course makaraang mabunyag ang magnetite mining operation. Naiwan na lang ang konkretong pader,” sabi ni Lopez.
Meron lang anyang mga naguguwardiyahang gate na maaaring pasukan ng mga truck at ibang sasakyan ng pamahalaang panlalawigan.
“Tinatanong ng mga residente kung meron pang mga guwardiya gayong wala nang aktibidad para sa naturang eco-tourism project. Nais naming malaman kung bakit itinayo ang pader na yan at sino talaga ang may-ari sa kahabaan ng coastal area na kanilang nilagyan ng konkretong harang na pader?” tanong ni Lopez.
Idinagdag pa ni Lopez na, kahit pinapayagan ang mga residente na pumasok sa gate ay naglalakad pa sila ng dalawang kilometro upang makarating sa karagatan.
- Latest