BIFF sumuko na kayo!
“Sumuko na kayo!”
MANILA, Philippines – Ito ang ultimatum ni Defense Sec. Voltaire Gazmin laban sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na nakikipagbakbakan ngayon sa nagsanib puwersang Armed Forces of the Philippines at Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa North Cotabato.
Ayon kay Sec. Gazmin, sa sandaling hindi nila ito gawin, magreresulta lamang ito sa BIFF sa matinding bakbakan gayundin sa hanay ng military. Habang sinusulat ito, maraming bilang ng BIFF na ang iniulat na nasawi.
Sabi ni Gazmin, ang plano ay ma-neutralize ang bandidong grupo.
“Kung sila ay susuko, fine, kapag tatanggi gagawin ng pamahalaan na lahat ng makakaya laban sa kanila,” ayon pa sa DND chief.
Aniya, ang agad na pagsuko ng grupo ay masisiguro ang kapayapaan at mapipigilan ang karahasan.
Nagsagawa ng opensiba ang pamahalaan at puwersa ng MILF laban sa BIFF sa Brgy. Bulol, Pikit, North Cotabato sa layuning masugpo ang mga ito at maging mapayapa ang lugar na naapektuhan ng kaguluhan.
Hindi umano nila hahayaan na magpatuloy ang panggugulo ng BIFF sa mga nasabing lugar at iiwasan na umabot pa sa mga kalapit na barangay ang tensyon.
Sabi pa ni Gazmin, humingi ng suporta ang MILF sa military sa pamamagitan ng artillery, air support at blocking units laban sa BIFF.
Wala anyang deadline na itinakda para sa patuloy na operasyon laban sa mga bandido.
Sinasabing ang Kagi Karialan group ng BIFF na siya ring nakasagupa ng napatay na SAF 44 commandos ay nagtago sa pitong barangay sa bayan ng Pikit at kalapit pang barangay pagkatapos ng madugong labanan.
Hawak din ng BIFF ang 10 baril ng SAF commandos na napaslang sa Mamasapano, Maguindanao.
Samantalang sinunog din umano ng BIFF ang mga bahay ng sibilyan sa mga nasabing barangay dahilan upang magsilikas ang mga residente sa Pagalungan, Maguindanao at Pikit dahil sa takot.
- Latest