Pabaya sa magulang paparusahan
MANILA, Philippines – Parurusahah na ang mga anak na mag-aabandona sa kanilang magulang lalo na pag may sakit ang mga ito at hindi kayang buhayin ang sarili.
Sa House Bill 5336 o Parents Welfare Act of 2014 na inihain ni Cavite Rep. Roy Loyola, kailangan alagaan ng mga anak ang kanilang may sakit na matatandang magulang kahit man lang sa pagbibigay ng suportang pinansiyal, damit, tirahan, o gamot para makapamuhay ng normal.
Nakasaad pa sa panukala ang parusang pagkakakulong ng 1-6 na buwan at multang P100,000 ang ipapataw sa mga anak na nagpabaya sa kanilang mga magulang ng tatlong magkakasunod na buwan ng walang sapat na dahilan.
Kapag ang magulang ay iniwan kung saan-saan para tuluyang pabayaan, ang parusa ay 6-10 taong pagkabilanggo at multang P300,000.
Inihain ng mambabatas ang panukala dahil na rin umano sa nakikita niyang matatanda na naninirahan sa kalsada matapos mabigo ang mga anak na alagaan ang mga ito.
Sa ilalim ng panukala, sinabi ni Loyola na ang magulang na mayroong ilang anak, ang suporta na ibibigay dito ay hati-hating pagtutulungan base na rin sa resources o financial capacity ng mga anak.
Kapag hindi kaya o walang kakayahan ang anak na alagaan ang kanilang magulang, ang apo ang siyang magbibigay suporta sa mga ito.
- Latest