Erap, Chinese leaders mangunguna sa Chinese New Year
MANILA, Philippines – Pangungunahan ngayon ni Manila Mayor Joseph Ejercito Estrada at mga lider ng Chinese community sa Binondo ang selebrasyon ng Lunar New Year sa Pebrero 18-19.
Ayon kay Estrada, malaki ang kanyang pasasalamat na nagkakaisa ang Filipino-Chinese business community sa pagdiriwang ng Chinese New Year at pagsuporta sa kanyang planong mas paunlarin ang Chinatown.
Magsisimula ang selebrasyon sa inagurasyon ng New Gate to Chinatown sa Jones Bridge ngayong alas-4 ng madaling araw at magkakaroon ng Food Fair mula alas-10 ng umaga hanggang alas-10 ng gabi sa La Chambre St., na tatagal naman hanggang sa Pebrero 22.
Nabatid naman kay Manila 3rd District Councilor Bernie Ang, vice chairman ng Manila Chinatown Development Council na ang nasabing activities ay suporta ng Filipino-Chinese community sa layunin ni Estrada na mapaunlad at magbigyan ng katiwasayan ang lungsod. Suportado rin ito ni Kevin Tan, senior vice president ng Lucky Chinatown.
Ang Year Countdown para sa 2015 Year of the Goat ay isasagawa mula alas-8 ng gabi hanggang 12 ng madaling araw sa Plaza San Lorenzo Ruiz sa Miyerkules, Pebrero 18 na susundan ng fireworks sa Regina Tower at solidarity gathering sa Pacific Center. Float parade naman mula Plaza San Lorenzo Ruiz hanggang Lucky Chinatown sa Huwebes.
Ang lahat ng establisimyento sa Binondo ay may midnight sale sa Pebrero 18-21.
- Latest