PCOS diagnostic deal aprub sa Comelec
MANILA, Philippines – Inihayag ng Commission on Elections (Comelec) na inaprubahan na nila ang Smartmatic deal para sa diagnostics ng 82,000 PCOS machines noong Enero 30.
Sa kanyang huling araw sa Comelec, sinabi ni Chairman Sixto Brillantes na inaprubahan nila ang deal sa kabila ng pagbatikos ng ilang grupo hinggil sa umano’y over pricing ng kontrata.
Sinuman aniya ang magkuwestiyon ay maaaring dumulog sa korte dahil makikita sa kontrata na ipinaglaban nila ang probisyon.
Ipinaliwanag ni Brillantes, na naibaba sa P240 milyon ang P300 milyon na contract price ng Smartmatic kung saan mas lalawakan pa ang mga serbisyo kabilang na ang pagkukumpuni at pagpapalit ng mga piyesa ng nasirang PCOS machines.
Nagretiro na si Brillantes kahapon kung saan pinalitan nito si dating Comelec chairman Jose Melo, noong 2011.
Kasabay na nagretiro ni Brillantes sina Comelec commissioners Lucenito Tagle at Elias Yusoph habang magsisilbi munang interim Comelec chairman si Comm. Christian Robert Lim.
Aniya, wala man siyang nagawang legacy, ginawa naman niya ng tama at sapat ang kanyang trabaho. Plano ni Brillantes na bumalik sa private law practice, kung saan pagtutuunan nito ang taxation at annulment cases.
- Latest