Ina ng nasawing volunteer bibigyan ng trabaho
MANILA, Philippines - Bibigyan ng job referrals ng gobyerno si Judy Padasas, ang ina ng volunteer worker na si Kristel Padasas na namatay sa misa ni Pope Francis sa Tacloban kung nanaisin nitong huwag ng bumalik sa Hong Kong bilang OFW.
Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigal Valte nakahanda na ang mga tulong na ibibigay ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa ina ng namayapang si Kristel kabilang na ang pag-aalok ng trabaho dito sa bansa.
Kasama umano sa ibibigay kay Judy ang mga business counseling at financial literacy trainings kung nanaisin nitong magnegosyo.
Maari rin umanong mangutang sa OWWA si Judy para sa pagtatayo ng negosyo.
Mayroon na umanong P2 bilyong loan facility ang OWWA at maaring mangutang ang isang OFW ng nasa P300,000 hanggang P2 bilyon para sa negosyo.
Puwede rin umanong makatanggap ang ina ni Kristel ng ‘small livelihood starter kit’ na nagkakahalaga ng P7,500 o livelihood grant assistance na P10,000.
Matatandaan na namatay si Kristel noong Enero 17 matapos bumagsak ang scaffolding na pinagkabitan ng mga speaker na dumagan sa biktima matapos ang misa ng Santo Papa sa Tacloban City Airport. (Malou Escudero)
- Latest