Bawas pasahe sa bus at taxi ikakasa
MANILA, Philippines – Nakatakdang magpetisyon na rin ang grupong National Council for Commuters Protection (NCCP) sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para ibaba ang pasahe sa pampublikong bus at mga taxi kasunod ng bagong rolbak sa presyo ng petrolyo.
Sinabi ni NCCP President Elvira Medina na nagdidiskusyon na silang mga opisyal ng grupo kung magkano ang halagang ipepetisyon na ibaba.
Ito ay makaraang maging mas mababa pa ang halaga ng diesel at gasolina kumpara noong 2008 na pinakahuling nagkaroon ng fare increase sa mga bus.
Posibleng hilingin nila sa LTFRB na ibalik ang dating pasahe bago ito itaas noong 2008. Nasa P9 lang ang minimum na pasahe sa ordinaryong bus noong 2008 at P30 lamang ang flagdown rates sa mga taxi noon.
May nakabinbin na petisyon rin sa LTFRB mula kay Negros Rep. Manuel Iway na humihiling ng P8 pagbaba sa minimum pasahe sa bus at P30 flagdown rate sa mga taxi.
Kasama rin sa plano nila na babaan ang pasahe ng AUV taxis.
- Latest