Taas pasahe sa LRT, MRT hiling ipagpaliban
MANILA, Philippines - Hinikayat ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares ang Kongreso na magpasa ng resolusyon para ipagpaliban ang fare hike ng MRT at LRT habang wala pang pinal na desisyon ang Korte Suprema sa mga petisyon na inihain laban dito.
Sa ginanap na pagdinig ng House Committee on Transportation ay hiniling ni Colmenares ang pagpapaliban sa pagtataas sa pasahe sa MRT at LRT subalit agad naman itong kinontra ni Dasmariñas Rep. Elpidio Barzaga.
Paliwanag ni Barzaga ito ay dahil hindi pa naman nakikita ang kabuuan sa pagdinig at hindi pa natatapos na magsalita ang lahat ng miyembro ng komite.
Giit pa ng kongresista, kailangan ng mosyon para rito kung gustong aksyunan ng Kongreso ang hiling na resolusyon para maipatigil na agad ang pagdinig kaugnay sa MRT-LRT fare increase.
Sa bandang huli ay nagkasundo rin ang mga miyembro ng komite na isantabi muna ang resolusyon at unahing tapusin ang interpelasyon ng mga mambabatas sa mga inimbitahang opisyal mula sa DOTC.
Sa kabila nito, pilit namang kinukumbinsi ni dating Bayan Muna Rep. Teddy Casiño ang Kongreso na igiit sa DOTC na isuspinde na muna pansamantala ang dagdag pasahe.
Ito ay dahil kailangan muna umanong ipaliwanag at i-justify ng mabuti ng ahensya kung bakit na kailangan magdagdag ng pasahe sa mass transport at kunsultahin muna ang publiko.
- Latest