Paris shooting kinondena ng Pinas
MANILA, Philippines - Kinondena ng Pilipinas ang ginawang pag-atake ng mga armado sa opisina ng satirical magazine na Charlie Hebdo sa Paris.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Sonny Coloma sa panayam bg DZMM, walang puwang ang naturang karahasan sa makabagong panahon at hindi dapat palagpasin.
Tinawag namang “senseless attacks” ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang naturang insidente na ikinasawi ng 10 mamamahayag kabilang ang mismong editor-in-chief ng magazine na si Stephan Charbonier, apat na cartoonist at dalawang pulis.
Nagpahayag din ito ng pakikiramay sa pamilya ng mga biktima.
Mahigit 3,000 pulis ang tumutugis sa magkapatid na suspek na sina Cherif Kouachi at Said Kouachi na hinihinalang nagtatago sa bayan ng Reims.
Sumuko naman ang 18-anyos nilang kasama na si Hamid Mourad na nagsilbing lookout.
Hinihinalang mga miyembro ng Yemeni terrorist network ang tatlo batay sa isinigaw umano ng isa sa mga suspek habang tumatakas. Nakilala ang mga ito mula sa naiwang identity card sa inabandonang getaway vehicle.
Itinaas naman ni Prime Minister Manuel Valls sa Attack Alert, na siyang pinakamataas na antas, ang seguridad ng France matapos ang insidente.
Una nang nagpahayag ng pagkondena ang mga world leader kabilang si Pope Francis.
- Latest