POEA, nagbabala sa ‘bogus’ na trabaho sa Canada
MANILA, Philippines – Nagpalabas ng babala ang pamunuan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) hinggil sa mga iniaalok na ‘bogus’ o pekeng trabaho sa bansang Canada.
Ang babala ay inilabas ng POEA laban sa GowestJobs, isang immigration consultancy firm, na nag-aalok umano ng ‘bogus jobs’ sa Canada.
Sinabi ni POEA Administrator Hans Leo Cacdac, bineripika nila sa kanilang tanggapan sa Toronto at doon napatunayan na peke ang job offer ng nasabing agency.
Una dito ay iniulat na rin ni Eric Johansen, director ng Immigration Services Branch ng Ministry of the Economy sa Saskatchewan, na may mga Canadian employers ang nagrereklamo laban sa GoWestJobs na naglalabas umano ng employment contracts gamit ang pinekeng pirma ng mga aplikanteng Pinoy.
Mismong ang Employment and Social Development sa Canada na rin umano ang nagkumpirma na hindi tunay ang mga employment contracts sa nasabing bansa.
Payo ni Cacdac sa mga aplikante na nabigyan ng pekeng dokumento ng GoWestJobs na magbigay ng affidavit of complaint at isumite ito sa kanilang tanggapan para maipagharap ng karampatang kaso ang nasabing ahensya.
- Latest