Palawan target ni Seniang
MANILA, Philippines – Matapos sa Northern Mindanao at malaking bahagi ng Visayas, target naman ngayon ng pananalasa ng bagyong si Seniang ang bahagi ng Palawan. Base sa pang-alas-10:00 ng umaga na weather update ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Service Administration (Pagasa), alas-9:00 ng umaga ay natukoy ang sentro ng bagyo sa layong 245 kilometro sa south southeast ng Cuyo, Palawan. Taglay pa rin nito ang lakas ng hangin na aabot sa 55 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugsong hangin na aabot sa 80 kilometro kada oras. Umuusad ang bagyo sa bilis na 13 kilometro bawat oras sa direksyon ng west southwest. Inalis na ang anumang typhoon signal sa Visayas at Mindanao, pero sa Luzon ay tanging ang tinamaan ng signal no. 2 sa Palawan. Gayunman, patuloy ang babala ng kagawaran sa mga magingisda na huwag munang pumalaot ang mga tinamaan ng signal dahil sa mapanganib pa rin sa malaking alon. Inaasahang sa araw ng Biyernes pa makakalabas ng Philippine area of responsibility ang bagyo.
- Latest















