Bangka lumubog: Hepe ng Limasawa PNP, 5 pa nawawala
MANILA, Philippines - Anim-katao kabilang ang hepe ng Limasawa Island PNP sa Southern Leyte ang nawawala makaraang lumubog ang bangkang sinasakyan sanhi ng bagyong Seniang noong Lunes ng hapon.
Kinilala ang nawawalang opisyal na si P/Chief Inspector Richard Castañares habang ang iba pa ay kinabibilangan ng apat na sakristan at isang skipper ng bangka.
Sa ulat ng Office of Civil Defense Region 8, dakong alas-2 ng hapon habang naglalayag sa karagatan ang Bangka na lulan ang mga biktimang patungong Limasawa Island nang balyahin ng malakas na alon.
Bunga nito, pinasok ng tubig ang bangka hanggang sa tuluyan itong lumubog kung saan tinangay ng malakas na alon ang mga biktima.
Nabatid na sa kabila ng masungit na panahon ay bumiyahe pa rin ang nasabing hepe mula pantalan ng Barangay San Roque sa bayan ng Macrohon patungo sa Limasawa Island dahil nag-aalala ang opisyal sa epekto ng bagyo sa nasabing isla.
Patuloy naman ang search and rescue operation ng pinagsanib na elemento ng Philippine Coast Guard, Philippine Navy at ng local na rescue team.
- Latest