2 patay sa bagyong Seniang
MANILA, Philippines - Dalawa katao ang nasawi, isa pa ang nawawala habang 17 pa ang naitalang sugatan sa paghagupit ng bagyong Seniang na nagdulot ng malalakas na pag-ulan sa bahagi ng rehiyon ng Visayas at Mindanao, ayon sa ulat.
Kabilang sa nasawi ay si Cipriano Mik Sr. 65, na nalunod habang tumatawid nang tangayin ng malakas na agos ng tubig baha kamakalawa sa Naboc River, Monkayo, Compostela Valley.
Ang isa pang nasawi ay si Chris Retiza, 24, na aksidente namang nahulog sa Agusan River habang namumulot ng bunga ng niyog sa pampang.
Samantalang, iniulat naman ng Davao del Norte Police, 17 katao ang nasugatan matapos na maaksidente ang isang pampasaherong bus sa gitna na rin ng malakas na pagbuhos ng ulan sa Tagum City.
Nasa 63 pamilya naman ang inilikas sanhi ng hanggang tuhod na tubig baha sa mga naapektuhan nitong lugar sa lalawigan.
Ang bagyong Seniang ay nagdulot din ng malalakas na mga pag-ulan sa mga apektado nitong lugar sa CARAGA Region.
Sa ulat naman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), patuloy ang monitoring at nagsagawa na rin ng paglilikas sa mga residenteng apektado ng mga pagbaha.
Nakataas ang Public Storm Warning Signal No. 2 sa Bohol, Siquijor, Southern Cebu, Negros Oriental, southern parts of Negros Occidental, Surigao del Norte, Siargao Island, Agusan del Norte, Misamis Oriental, Camiguin at Agusan del Sur.
Nasa ilalim naman ng Signal Number 1 ang Leyte, Southern Leyte, Camotes Island, rest of Cebu, rest of Negros Occidental, Guimaras, northern part of Davao Oriental, Davao del Norte, Bukidnon, Lanao del Norte, Lanao del Sur, Misamis Occidental, Zamboanga del Sur, Zamboanga del Norte, Zamboanga Sibugay, Compostella Valley at Dinagat Islands.
- Latest