Travel advisory ng US ‘di babalewalain - AFP
MANILA, Philippines - Sa kabila ng wala namang namomonitor na banta sa seguridad, hindi ipinagsasawalang bahala ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang ibinabalang ‘lone wolf terror attack’ na ipinalabas na travel advisory ng Estados Unidos sa Pilipinas.
Ayon kay AFP spokesman Col. Restituto Padilla, karapatan lamang ng Estados Unidos na bigyang proteksyon ang mamamayan nito sa Pilipinas o kahit saang bansa man ang mga ito naroroon.
Ang Estados Unidos ay nagpalabas ng travel advisory matapos na lumutang ang ulat hinggil sa posibleng pag-atake ng mga individual terror group gaya ng nangyaring hostage taking sa Australia.
Sinabi ni Padilla, wala pang namo-monitor ang AFP hinggil sa posibleng presensiya ng ilang mga indibidwal na teroristang grupo gaya nang tinaguriang lone-wolf terrorist sa bansa.
Nilinaw ni Padilla na ang babala ng US sa pagbiyahe ng mamamayan nito sa bansa ay hindi ipinagsasawalang bahala ng AFP at laging nakabantay ang intelligence network ng pamahalaan laban sa mga ganitong uri ng pagbabanta.
Wala anya silang nakikitang mga indibidwal na puwedeng gumawa ng nasabing panggugulo kahalintulad sa naganap na pangho-hostage sa isang cafe sa Sydney, Australia kung saan dalawa sa binihag ang nasawi kabilang ang hostage taker.
Bunsod nito nagpalabas ng travel warning ang ang US Embassy para sa kanilang mga mamayan na bumibiyahe saan mang panig ng mundo na magdoble ingat sa posibleng lone-wolf terrorist attack.
- Latest