730 special permit, naipalabas ng LTFRB ngayong holiday season
MANILA, Philippines - Umaabot sa 730 special permit ang naipalabas ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) sa mga Metro Manila buses na nais na pumasada sa mga lalawigan ngayong holiday season.
Ayon kay Engr. Ronaldo Corpuz, boardmember ng LTFRB, ang naipamigay na special permit ay epektibo kahapon Disyembre 22 at magtatapos hanggang Enero 3, 2015. Sinabi ni Corpuz na ang mga nabigyan ng special permit ay yaong mga Metro Manila buses na nag-apply sa ahensiya noong unang linggo ng Disyembre ng taong ito. Ang bawat special permit ay may halagang P260.00 sa kada bus at dagdag na P70.00 naman ang bayad sa dagdag na unit na kasama sa isang franchise.
Kaugnay nito, binalaan ni Corpuz ang mga pampasaherong sasakyan na magsasamantalang pumasada sa labas ng Metro Manila na walang permit ang mga ito ay huhulihin na may kaakibat na multa.
“Kung wala silang special permit at ang franchise nila ay Metro Manila ay hindi sila maaaring pumasada sa mga probinsiya dahil tiyak magpe-penalty sila” pahayag ni Corpuz. (Angie dela Cruz)
Ang pagpapalabas ng special permit ng LTFRB sa mga pampasaherong sasakyan ay taunang naisagagawa tuwing holiday season upang punan ang malaking pangangailangan sa sasakyan dahil sa dagsa ng mga pasaherong tutungo sa kanilang mga lalawigan para doon ipagdiwang ang pasko at bagong taon.
- Latest