SWS survey: Binay pa rin
MANILA, Philippines - Nanguna muli si Vice-President Jejomar Binay sa mga opisyal ng gobyerno at indibiduwal na napipisil na maaaring pumalit kay Pangulong Benigno Aquino bilang Pangulo ng bansa sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS).
Sa tanong na “Sino sa palagay ninyo ang mahusay na lider na maaaring pumalit kay Pangulong Aquino bilang presidente pagkatapos ng termino nito sa 2016?” kung saan maaaring pumili ng tatlong pangalan, nanguna pa rin sa survey si Binay at pumangalawa si Sen. Grace Poe habang pangatlo si DILG Sec. Manuel Roxas II.
Sa latest SWS survery nitong Nov. 27-Dec. 1 mula sa may 1,800 respondents, lumalabas na 37 percent ng mga respondents ang naniniwala kay Binay na papalit kay Aquino sa 2016; 21 porsyento ang pumili kay Poe habang 19 porsyento kay Roxas.
Ang iba pang personalidad na lumutang sa survey ay sina Senator Miriam Defensor Santiago, 10%; Sen. Francis”Chiz” Escudero, 9%; dating Pangulo at Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada, 9%; Davao City Mayor Rodrigo Duterte, 5%, Sen. Antonio Trillanes IV, 5%; Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., 3%; Sen. Alan Peter Cayetano, 3%, dating Sen. Manuel Villar, 2%; Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr., 2%; Sec. Panfilo Lacson, 2%; Sen. Loren Legarda, 1%, Senate President Franklin Drilon, 1%; Presidential Asst. for Food Security and Agricultural Modernization at Sec. Kiko Pangilinan, 1%; at Saranggani Rep. Manny Pacquiao, 1%.
Nagpasalamat naman si Binay sa mga mamamayan na patuloy na nagtitiwala sa kanya bilang isang mahusay na lider ng bansa. Isa umanong magandang Pamasko ang pagkilala ng nakararami sa kanya na maaaring magsilbi bilang pinakamataas na opisyal ng bansa.
“I am grateful for the kind recognition of my worthiness to assume the country’s highest public office. To my fellow Filipinos, thank you very much for this warm Christmas greeting,” wika pa ni Binay.
Sinabi ni Binay na magsisilbing inspirasyon ang latest survey upang lalo pa nitong mapaganda ang kanyang trabaho at serbisyo publiko sa kabila ng pagsusumikap ng mga kalaban sa pulitika na siya ay pabagsakin.
Kasabay nito, nanawagan si Binay sa panahon ng Kapaskuhan sa kanyang mga kasamahan sa gobyerno na magkaisa upang mapaganda at mapatatag ang pamahalaan.
- Latest