Bagyong Ruby humina pero bukas pa lalabas ng PAR
MANILA, Philippines - Humina ang bagyong Ruby matapos 4 na beses mag-landfall sa ipinalabas na 5 p.m bulletin ng PAGASA pero sa Miyerkules pa ito lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Sinabi ng PAGASA sa media briefing nito kahapon ng alas-5 ng hapon, nag-landfall sa ika-4 na beses si Ruby sa Laiya, San Juan, Batangas.
Ayon kay Jori Lois, weather forecaster ng PAGASA, bandang alas-5 ng hapon kahapon, namataan ng mata ni Ruby sa layong 15 kilometro timog silangan ng Laiya Batangas.
Taglay ni bagyong Ruby ang lakas ng hangin na umaabot sa 85 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugso ng hangin na umaabot sa 100 kilometro bawat oras. Si Ruby ay kumikilos sa bilis na 13 kilometro bawat oras.
Bunga nito, nakataas ang public storm signal 2 sa lalawigan ng Batangas, Cavite, Bataan, Laguna, Southern Quezon, Marinduque, Northern Oriental Mindoro, Lubang island at Metro Manila habang signal number 1 sa Zambales, Pampanga, Tarlac, Bulacan, Rizal,nalalabing bahagi ng Quezon, nalalabing bahagi ng Mindoro kasama ang Romblon.
Ani Lois, inaasahan nila na lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) si Ruby sa Miyerkules (December 10) pero mararanasan sa MM ang malakas na ulan ngayong Martes.
Ikinatuwa din ng PAGASA na hindi na-maintain ni Ruby ang dating malakas na hangin na umaabot sa 250 kilometro bawat oras dahil kung nanatili anya ang lakas na ito ay maaaring magdulot ito ng malawak na epekto sa Visayas.
Si Ruby ay unang naglandfall sa Eastern Samar, sumunod na nag-landfall sa Masbate, ikatlong landfall sa Marinduque at ikaapat na landfall sa Batangas.
Sinabi pa ni Lois na may isa pang bagyo na inaasahan na pumasok sa PAR ngayong Disyembre o bago matapos ang taong 2014.
- Latest