Isinilid sa sapatos: Pinay timbog sa 2-kilo droga sa HK!
MANILA, Philippines - Isang 29-anyos na Pinay ang inaresto dahil sa umano’y pagdadala ng may dalawang kilong illegal drugs sa paliparan ng Hong Kong.
Bineberipika na ng Department of Foreign Affairs sa Philippine Consulate General sa Hong Kong ang ulat ng pagkakaaresto sa Pinay household worker na itinago ang pangalan.
Sa report, dinakip ng mga awtoridad ang Pinay nang makita umano sa loob ng sapatos nito ang may 2-kilong cocaine na may market value na mahigit HK$2-milyon o P11 milyon habang nasa HK International Airport.
Nahaharap sa kasong drug trafficking ang nasabing domestic helper at nakatakda umanong humarap sa korte ng Hong Kong.
Sa batas ng HK, posibleng mapatawan ng parusang habambuhay na pagkabilanggo ang Pinay at may multang 5-milyong HK dollars (P28-M) kapag napatunayang nagkasala sa pagdadala ng illegal drugs.
Kamakailan ay isang Pinoy ang inaresto sa departure area ng Ningbo International Airport sa China dahil sa pagdadala ng 5-kilong shabu habang nag-aantay ng kanyang flight patungong Kuala Lumpur, Malaysia. (Ellen Fernando)
- Latest