Metro Mayors pinaghahanda na
MANILA, Philippines - Pinaghahanda na ni Interior and Local Government Secretary Mar Roxas ang mga alkalde sa Metro Manila para sa inaasahang epekto ng bagyong Ruby.
Sinabi ni Roxas sa pulong ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na maaring magdulot si Ruby ng malalakas na pag-ulan at lagpas-tuhod na mga pagbaha sa Metro Manila.
Ayon kay Roxas, 70 barangay sa Metro Manila ang direktang maaapektuhan sakaling bumuhos ang ulan dala ng bagyo
Kaya mahalaga anya na alerto 24/7 ang mga Metro mayors upang makapaghanda habang maaga pa at hindi kung kailang nanalasa na ang bagyo ay saka lamang kikilos.
Base sa pagtaya ng PAGASA, sinabi ni Roxas na daranas ng malalakas na pag-ulan ang Metro Manila kahit hindi pa ito ang direktang tamaan ng bagyo na malawak ang epektong idudulot.
“Storm can bring as much as 400 mm water,” pahayag ni Roxas sa press briefing sa NDRRMC pero hindi naman nilinaw kung kada araw o oras ang mga pag-ulan ni Ruby.
“We advised Metro Mayors to take necessary action, they have 36 hours ahead,” ayon pa kay Roxas sa kapasidad nito bilang vice chairman ng NDRRMC.
Sinabi naman ni Quezon City Mayor Herbert Bautista na pinag-aaralan na ng kaniyang tanggapan kung sususpendihin ang klase sa kaniyang nasasakupan sa Lunes.
Kabilang sa nasa flood alert ay ang Tullahan River sa Quezon City na diretso sa Navotas at Malabon, Marikina River sa Marikina City, Maricaban creek sa Pasay City, Laguna Lake na sumasaklaw sa Taguig City at ilang parte ng Parañaque City. (Joy Cantos)
- Latest