Kaso sa int'l court isasampa vs PNoy dahil sa Maguindanao massacre
MANILA, Philippines - Balak ni Harry Roque na sampahan ng kaso si Pangulong Aquino dahil sa mabagal na pag-usad ng pagdinig sa mga kasong isinampa laban sa mga hinihinalang sangkot sa Maguindanao massacre noong Nob. 23, 2009.
Ayon kay Roque, dapat panagutin ang administrasyon ni Pangulong Aquino dahil sa usad-pagong na pagdinig ng mga kasong multiple murder na isinampa laban sa mga lider ng angkang Ampatuan.
Makalipas ang limang taon, hindi pa rin nakakasampa sa pagdinig sa mismong mga kasong isinampa laban kina Andal Ampatuan Sr. at kanyang mga anak na pawang nakakulong pa rin sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig.
Sinabi ni Roque na kanilang online conference, sumang-ayon si United Nations (UN) Special Rapporteur on Freedom of Expression David Kaye na dapat managot ang mga pangulo ng bansa kapag hindi naparusahan ang mga taong sangkot sa masaker.
"Sumang-ayon naman po si UN Special Rapporteur Kaye na meron talagang pananagutan ang mga presidente kapag hindi naparusahan... 'yung mga pumapatay sa ating lipunan," ani Roque.
Aniya, ang masaker ay isa sa mga pinakakarumaldumal na krimen sa kasaysayan ng bansa. Sa 58 katao na nasawi sa masaker, 32 ay mga mamamahayag.
Iginiit ni Roque na ang krimen ay ginawa upang pigilan ang kalayaan sa pamamahayag ng mga biktima.
"Ang presidente, may obligasyon hindi lang mag-imbestiga pati na rin maglitis at magparusa doon sa mga pumapatay sa lipunan na hindi nga nangyayari sa ating bayan," dagdag ni Roque.
- Latest