Garin ‘di puwedeng manibak ng tauhan
MANILA, Philippines – Iginiit ng Palasyo na walang karapatan ang isang officer in charge ng ahensiya upang manibak o magpatupad ng anumang rigodon sa kanyang tanggapan.
Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, limitado lamang ang kapangyarihan ng isang acting secretary o officer in charge ng ahensiya ng gobyerno.
Ang presidential appointees ay puwede lamang masibak sa kanilang trabaho kung mayroon itong pahintulot ni Pangulong Aquino.
Magugunita na napaulat na inalis ni DOH acting Sec. Janet Garin si Asec. Eric Tayag sa puwesto nito at ibinalik sa kanyang dating posisyon bilang director IV ng ahensiya.
Bukod kay Tayag ay ibabalik sa University of the Philippines si Usec. Teodoro Herbosa na naapektuhan ang ipinatupad na streamlining ng Department of Health gayung on leave pa lamang si Health Sec. Enrique Ona at itinalaga lamang siyang officer in charge hanggang sa makabalik si Ona sa Nov. 28.
Nilinaw ni Garin na hindi demotion ang nangyari kay Tayag kundi ibinalik lamang ito sa kanyang original position habang si Usec. Herbosa naman ay matatapos na ang kanyang kontrata sa DOH.
- Latest