Sa Yolanda anniv. PNoy idinepensa ang ‘di pagbisita sa Tacloban City
MANILA, Philippines - Todo-tanggol si Pangulong Aquino sa hindi nito pagbisita sa Tacloban City sa bisperas ng anibersaryo ng pananalasa ng super bagyong Yolanda sa Visayas.
Sinabi ng Pangulo sa media briefing sa Villamor Airbase, walang pulitika kung mas pinili nitong dalawin ang Guiuan, Eastern Samar sa halip na sa Tacloban City kung saan nasa mahigit 2,000 ang nasawi.
Magugunita na nagkaroon ng tension noon sa pagitan nina DILG Sec. Mar Roxas at Tacloban City Mayor Alfred Romualdez sa unang pagbisita ng Pangulo sa lungsod matapos salantain ito ng bagyong Yolanda.
Wika ng Pangulo, hindi lang naman ang Tacloban City ang sinalanta ni Yolanda para sabihin na binalewala niya ang mga Yolanda survivors dahil naapektuhan din naman ng super typhoon ang Guiuan kung saan ay dito unang nag-landfall ang bagyo noong Nov. 8, 2013.
Sinabi naman ni Eastern Samar Rep. Ben Evardone na hindi na dapat gawan ng isyu kung sa Eastern Samar lang nagtungo ang Pangulo.
Ani Evardone, biktima rin ng Yolanda ang kanyang mga ka-lalawigan at tulad ng iba pang nasalantang lugar, kailangan rin nila ng suporta ng gobyerno.
Giit ng kongresista, walang pulitika sa kagustuhan ng Pangulo na tumulong sa kanyang lalawigan sa rehabilitasyon ng mga lugar na sinalanta ng kalamidad.
Puna nang ilan, nangibabaw pa rin ang pulitika sa Yolanda commemoration dahil mas pinili ni PNoy ang kaalyado kaysa sa Tacloban na kilalang Marcos country.
Siniguro naman ng Pangulo na tuloy-tuloy ang pagtulong ng gobyerno sa mga biktima ng Yolanda at inaasahang maipapatupad ang master plan sa recovery nito hanggang 2016.
- Latest