Tiu bigong mapatunayang sa kanya ang 'Hacienda Binay'
MANILA, Philippines – Diskumpyado ang Senate Blue Ribbon Sub-committee sa pahayag ng itinuturong “Binay Dummy” na si Antonio Tiu na siya ang may-ari ng “Hacienda Binay” sa Rosario, Batangas.
Sinabi ng negosyanteng si Tiu na nakuha niya ang 150-hektaryang Suncham Agri-Tourism Park sa bayan ng Rosario sa isang Gregorio Laureano sa halagang P400 milyon nitong nakaraang taon bago tumaas sa P446 milyon.
Dagdag niya na installment ang pagbabayad na may P11 milyong down payment.
Matapos ang kanyang pagpapaliwanag ay tinanong siya ni Sen. Aquilino Pimentel kung nakapangalan sa kanya ang transfer certificate title (TCT).
Sinabi ni Tiu na tanging ang “usufruct” o ang karapatang magamit ng lupa lamang ang kanyang binili.
"'Yung TCT upon the completion after nai-turn over sa akin, saka nila matatangap yung next tranche na payment," paliwanag ng negosyante.
Nang tanungin kung siya ang may-ari ng umano'y Hacienda Binay sa kasalukuyan, sumagot si Tiu ng: "I'm the owner over the rights. Magiging owner din po tayo.”
Pinuna pa ni Sen. Antonio Trillanes ang mga nakaraang pahayag ni Tiu sa media na siya ang nagmamay-ari ng lupa.
Nilinaw din ni Tiu na siya ang may-ari ng farm dahil sa agricultural sector ay may pagkakaiba ang pagmamay-ari ng lupa at ng plantasyon.
Pinayuhan ni Pimentel si Tiu na dapat ay dumulog muna sa abogado upang malinawan sa isyu ng pagmamay-ari ng lupa.
"Sa mata namin hindi ikaw ang may-ari sa ngayon. So why are you here?" sabi ni Pimentel kay Tiu.
Si Tiu ang itinuturong “dummy” ni Bise-Presidente Jejomar Binay na siyang sinasabing totoong may-ari ng kontrobersyal na property.
- Latest