Pagluwa ng magma ng Mayon tumigil, pag-aalburoto patuloy
MANILA, Philippines - Pansamantalang tumigil sa pagluwa ng magma ang bulkang mayon sa Albay, Bicol sa nakalipas na 24 oras.
Pero ayon sa Phivolcs hindi ito dahilan para mahinto ang iregularidad sa bulkan dahil patuloy pa rin ang pag-aalburoto nito at patuloy na nagbabanta ng pagsabog.
Sa press briefing kahapon, sinabi ni Eduardo Laguerta, Phivolcs volcanologist, na nagkaroon din ng pagbaba sa bilang ng volcanic quakes at pagbagsak ng mga bato mula sa bulkan na isang senyales ng paghinto ng magma movement.
Pero kahit nangyari ito, patuloy na nag-iipon ng lakas ang naturang bulkan para sa inaasahang pagsabog.
Kahapon nakapagtala ang Phivolcs ng 4 volcanic quakes at 22 rockfall events na mas mababa kaysa noong nagdaang Biyernes na 22 volcanic quakes at 70 rockfall events.
Tumaas naman ang paglabas ng bulkan ng asupre na umaabot sa 1,290 tonelada kada araw mas mataas kaysa sa nagdaang 757 tonelada ng asupre.
Nananatiling nasa alert level 3 ang Mayon at patuloy na pinagbabawal ang pagpasok ng sinuman sa loob ng 6 kilometer permanent danger zone. (Angie dela Cruz)
- Latest