Impeachment ni Binay, Kongreso na ang bahala – Malacañang
MANILA, Philippines – Ayaw mangialam ng Palasyo ukol sa isyu ng impeachment ni Bise-Presidente Jejomar Binay kaugnay ng umano'y overpriced na Makati City Hall II building.
Sinabi ni Presidential Communication Operations Office Sec. Herminio Coloma Jr. ngayong Martes na trabaho ito ng Kongreso kung pagugulungin o hindi.
"Kung ang nais na maganap ay impeachment, ang prosesong ito ay nasasakop ng tungkulin at kapangyarihan ng House of Representatives," komento ni Coloma.
"Ipapaubaya na lang namin sa kanila kung ano ang nais nilang gawin dito, kung meron ngang panukala o resolusyon na ihaharap sa kanila hinggil dito," dagdag niya.
Nahaharap sa kasong plunder si Binay at ang kanyang anak na si Makati City Mayor Erwin “Junjun” Binay dahil sa pagkubra umano ng kickback sa pagpapagawa ng naturang gusali.
Patuloy naman ang pagtanggi ng mga Binay sa akusasyon sa kanila ng mga dating opisyal ng Makati.
Para sa mga Binay ay sinisiraan lamang ang Bise-Presidente upang maapektuhan ang kanyang kandidatura sa 2016 national elections kung saan tatakbo siyang Pangulo.
Kahapon ay sinabi ni Pangulong Benigno Aquino III na wala siyang alam sa isyu ng mga Binay.
"At the end of the day, the truth will set us all free. Now, do I have knowledge as to the veracity of the accusations against the vice president? I have no personal knowledge of the same," wika ni Aquino.
- Latest
















