120 trucks nagpakabit ng ‘last mile tag’
MANILA, Philippines – Aabot sa 120 cargo truck ang nagpakabit ng ‘last mile tag’ sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Philippine Ports Authority (PPA) noong Linggo.
Ang mile tag ay para hindi maging saklaw ng truck ban sa loob ng isang linggo ang mga cargo truck na mayroon nito, na ang layunin nito ay upang maipadala ang kanilang kargamento palabas ng Port of Manila papunta sa kanilang mga warehouse sa Kamaynilaan.
Nabatid, na ang mile tag ay bagong sistemang pinatutupad ng nabanggit na mga ahensiya upang maibsan ang port congestion sa pantalan ng Maynila.
Sa pahayag ni MMDA Chairman Francis Tolentino, naibsan ang trapik at bahagyang lumuwag sa Port of Manila nang maglagay ng U-turn slots sa Camachile area at counterflow lane sa North Luzon Expressway (NLEx).
Ayon kay Tolentino, mariin nilang imo-monitor ang sitwasyon ng trapik patungo sa pier upang maiwasan ang mabigat na daloy ng trapiko sa naturang lugar.
Matatandaan, na nagturuan ang ilang ahensiya ng pamahalaan dahil sa matinding bigat ng trapiko na naranasan noong Biyernes sa NLEx.
- Latest























