“Walang world-class sa Makati carpark’ – Experts
MANILA, Philippines - Walang world-class hinggil sa pagpapatayo ng kontrobersiyal na Building 2 ng Makati City Hall.
Ito ang naging obserbasyon ng ilang mga eksperto na kasama nina Senators Koko Pimentel at Antonio Trillanes IV sa ginawa nilang pagbisita at inspeksyon sa naturang gusali na kasalukuyang iniimbestigahan ng Senate Blue Ribbon Committee dahil sa umano’y overpricing.
Kasama ng dalawang senador ang mga quantity surveyor, architects, engineers ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at kinatawan ng Philippine Contractors Association.
Ayon sa indipendiyenteng quantity surveyor na Australyanong si Greg Jackson, average o standard lang ang gusali batay sa ginamit na materyales, aktuwal na disenyo hanggang sa overall finishing. Ganito rin ang obserbasyon ni Architect Danilo Alano ng Philippine Institute of Architects.
Sinabi naman ni property appraiser Frederico Cuervo na hindi pa rin nagbabago ang kanyang naunang pagtataya sa gusali hanggang ngayon. Batay sa market value ng taong 2012, ang halaga ay nasa P23,000-P27,000 per square meters. “Malayo ito sa sinasabing 84,000 per square meters,” sabi pa ni Cuervo.
Para naman sa mga inhinyero ng DPWH, ang aktuwal na sukat ng gusali ay 27,630 square meters lamang na malayo sa sinasabi ng pamahalaang lunsod ng Makati na sumasakop ito ng 31,920 square meter floor space.
Ang aktuwal na sukat na mas maliit kaysa sa makikita sa mga dokumento ng Makati ay nangangahulugan na overpriced ang construction, sabi pa nila. Isa pa rin itong isyu na tatalakayin ng sub-committee sa pangatlong pagdinig sa Senate Resolution 826 sa linggong ito.
Hindi pa depinido ang natuklasan ng mga eksperto. Susuriin pa nila ang iba’t-ibang dokumento tulad ng cost estimate, list of materials and actual design of the infrastructure.
“Mula dito, magbibigay kami ng depinidong konklusyon kung overpriced nga o hindi ang gusali,” sabi pa nila.
- Latest