XTERRA Triathlon sa Albay gaganapin sa susunod na 3 taon
LEGAZPI CITY, Philippines - Sa Albay gaganapin ang XTERRA Triathlon, ang pinakamalaking ‘off-road triathlon’ sa Pilipinas. Pasisimulan ito sa Pebrero 8, 2015 at inaasahang sasalihan ng mga 1,500 triathletes mula sa iba’t-ibang bansa na makikipagtagisan ng galing sa mga Pilipino.
Inaasahan ding dadaluhan ito ng mga 2,500 mga bisita at manonood na lalo pang magpapasulong sa mabilis na lumagong turismo ng Albay. Ang triathlon ay kilala at paboritong sporting event sa buong mundo kaya ito ay karaniwang binibigyan ng ibayong atensyon ng media.
Pinagtibay kamakailan ang kasunduan sa pagtatanghal ng naturang triathlon dito sa isang pulong na ginanap sa Manila Peninsula Hotel sa pagitan nina Albay Gov. Joey Salceda at Alaska Milk Corp. CEO Wilfred Uytengsu, Jr. na siyang franchise holder ng XTERRA sa Pilipinas.
Si Uytengsu na isa ring triathlete, ang may-ari rin ng premyadong Alaska Aces basketball team. Siya rin ang nagdala sa bansa ng Iron Man Challenge noong 2010.
Kasama sa triathlon ang magkakasunod na karera sa paglangoy, mountain biking at trail race sa isang paligsahan lamang sa loob ng takdang distansiya at oras. Ang XTERRA triathlon ang pinakakilala kaya itinuturing itong de facto world championship ng naturang sport.
Ayon kay Salceda, ang XTERRA event sa Albay ay inaasahang higit pang malaki kaysa Iron Man challenge sa Cebu na dinaluhan ng 2,500 na mga kalahok at bisita.
Ang XTERRA Triathlon sa Albay na magsisimula sa Pebrero 8, 2015 ay magiging bahagi rin ng mga pasimulang events ng isang buwang singkad na Cagsawa Festival sa lalawigan. Magsisimula ito sa Cagsawa Ruins Park kung saan mamamasdan and alindog ng Mayon Volcano at ang kilalang Cagsawa Belfry, ang tanging natira ng isang higanteng simbahang nabaon sa ilalim ng lupa nang sumabog ang Mayon Vocano noong Pebrero 1814.
Ang sports tourism ng Albay, ayon kay Salceda, ay nabigyan ng malakas na tulak ng ginanap Mayon 360 50-mile Ultra Marathon, sa pasimula ng Daragang Magayon Festival noong isang taon na dinaluhan ng 1,200 sports enthusiasts at mga bisita.
- Latest