Ex-FG Arroyo pinayagan mag-abroad
MANILA, Philippines - Pinayagan ng Sandiganbayan ang kahilingan ni dating first gentleman Mike Arroyo na makapunta sa Europa.
Si Mr. Arroyo ay pupunta ng Germany at iba pang bansa sa Europa upang magbakasyon kasama ang kanyang mga kapamilya mula Setyembre 21 hanggang Oktubre 10, 2014.
Bagamat ang bagay na ito ay tinutulan ng prosekusyon, wala namang naibigay na pagtutol para rito ang Sandiganbayan 5th division.
Paliwanag ng prosekusyon, hindi detalyado ang biyahe ni Arroyo at hindi rin sinabi kung ano talaga ang pakay ng pagtungo nito sa Europa.
Bukod sa biyaheng Europa, ginigiit din ng kampo ni Arroyo sa pamamagitan ni Atty. Ferdinand Topacio na magsusumite rin sila ng hiwalay na mosyon para naman sa hirit na pagpunta sa Japan at Hong Kong sa Oktubre 25.
Si Arroyo ay nahaharap sa kasong graft sa Sandiganbayan dahil sa umano’y maanomalyang pagbebenta ng segunda manong helikopter sa PNP na binayaran ng pamahalaan bilang brand new noong panahon ng kanyang asawa na si dating Pangulong Gloria Arroyo.
- Latest