Palparan mananatili sa NBI - DOJ
MANILA, Philippines - Mananatili muna sa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI) si Ret. Major Gen. Jovito Palparan.
Sinabi ni Justice Secretary Leila de Lima na mayroon umanong problema kaya naantala ang paglilipat sa Bulacan provincial jail bagama’t may commitment order na mula sa Bulacan Regional Trial Court Branch 14.
Binigyan diin ni de Lima na hindi basta-basta ang paglilipat ng mga “very high-profile” detainee tulad ni Palparan dahil kailangan munang matiyak ang seguridad nito kaya’t puspusan ang ginagawang paghahanda ng mga awtoridad.
Tatanungin din muna niya si NBI Director Virgilio Mendez kung kaya na ng kanyang mga tauhan na mailipat si Palparan sa Bulacan. Nabatid na maliit at pangkaraniwang selda ang lilipatan ni Palparan sa provincial jail. Dati umano itong isolation room, may dalawang kwarto sa loob, may common comfort room ngunit walang bentilador.
May isang 83-anyos na preso na makakasama si Palparan sa selda.
Sa ngayon aniya, nais lamang nila na matiyak ang seguridad ng dating heneral upang maiwasan na masisi dahil batay sa report marami umano ang nagbabanta sa buhay nito.
Binansagang “berdugo” si Palparan dahil sa umano’y pagkakasangkot nito sa extra-judicial killings at pagkawala ng mga umano’y pinaniniwalaang komunista.
Inaresto ang dating heneral kaugnay ng kasong kidnapping at serious illegal detention ukol sa pagkawala ng UP students na sina Karen Empeño at Sheryn Cadapan noong 2006.
Samantala, pinoproseso na ng DOJ ang P2 milyong reward money kay Palparan. Isang private citizen ang tipster ng kinaroroonan ni Palparan nang mahuli ito sa Sta. Mesa Maynila.
- Latest