21 Pinoy na naipit sa Gaza, nakalikas na
MANILA, Philippines - Ligtas na nakalikas ang may 21 Pinoy matapos na ma-trap sa bakbakan ng security forces at militante sa Gaza Strip.
Sa report ng Embahada ng Pilipinas sa Amman, Jordan sa Department of Foreign Affairs (DFA), dumating na sa NAIA kamakalawa ng gabi ang 21 Pinoy evacuees lulan ng Emirates Airlines flight EK334 mula Gaza Strip.
Sinabi ng DFA na binubuo ng nasabing grupo ang dual Filipino-Palestinian citizens, kabilang ang dalawang Palestinong asawa at isang anak.
Nabatid na matagumpay na nakatawid ang 21 Pinoy sa King Hussein-Allenby border noong Agosto 7 at nakumpleto ang kanilang mga dokumento upang tuluyang makalusot at makapasok sa Jordan sa tulong ng Embahada ng Pilipinas sa Tel Aviv at Amman.
Nagbigay din umano ng pagkain at akomodasyon ang Embahada sa Amman para sa mga Pinoy evacuees sa kanilang pananatili sa Jordan bago makauwi sa Manila.
Dahil sa nasabing huling batch, naitala ng DFA na umaabot na sa 33 Pinoy ang napapauwi ng pamahalaan mula Gaza.
Dahil sa lumalalang banta sa seguridad, nanawagan muli ang DFA sa mga natitira pang Pinoy sa Gaza na magsilikas at tanggapin ang alok ng pamahalaan na repatriation program. Handa umano ang mga Embahada sa Tel Aviv, Amman at Cairo na tulungan ang mga nagnanais na umuwi sa bansa.
- Latest