MMDA, LTFRB mag-uulat sa MM mayors sa isyu ng trapik
MANILA, Philippines - Para tuluyang resolbahin ang girian sa pagitan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) hinggil sa inisyu ng huli na memorandum circular, inaasahang muli na namang maghaharap- harap ngayon ang mga Metro Manila mayors at si LTFRB Chairman Winston Ginez.
Ito ang inihayag kahapon ni MMDA Assistant General Manager for operations Emerson Carlos.
Nabatid na kamakailan ay nagpatawag ng pulong ang Malacañang para mamagitan sa girian ng MMDA at LTFRB.
Ayon kay Carlos, ang gagawing pagpupulong ngayon ng Metro Mayors at LTFRB, kasama ang Malacañang ay upang ipaalam sa mga alkalde ang nabuo o naging resulta nito.
Ang Metro mayors ang siyang bumubuo ng Metro Manila Council (MMC) na siyang policy making body ng MMDA.
Matatandaan na sa ipinatawag na pulong ng Malacañang sa MMDA at LTFRB ay isa sa napagkasunduan ang itutuloy ang panghuhuli sa mga kolorum at out of line na mga sasakyan bilang pagsuway sa isang memorandum circular na inisyu ng LTFRB na may kinalaman sa “no apprehension policy”.
Nais umano ng Malacañang na maipaabot mismo sa mga Metro Mayors kung ano ang mga napagkasunduan sa ginanap na pulong.
- Latest