2015 budget tinalakay na sa Kamara
MANILA, Philippines - Sinimulan na kahapon ng Kamara ang pagtalakay sa P2.606 Trillion na pambansang badyet para sa taong 2015.
Kabilang sa mga humarap sa House Committee on Appropriations ang mga miyembro ng economic cluster ng Gabinete na bumubuo ng Development Budget coordinating council sa pangunguna ni Budget Secretary Butch Abad.
Bukod kay Abad, kasama din nito sina NEDA Director General Arsenio Balisacan, Finance Secretary Cesar Purisima at Bangko Sentral Governor Amando Tetangco Jr.
Ang mga Economic Managers ni Pangulong Aquino ang nagprisinta sa panukalang budget, ano ang mga projections na pinagbasehan nito at ang latag ng mga prayoridad na serbisyo sa ilalim ng proposed General Appropriations Act (GAA).
Ang 2015 proposed budget ay mas mataas ng 15.1 porsiyento kumpara sa pondo ng gobyerno ngayong 2014 .
Samantala, ang top 10 agencies na may pinakamalaking pondo sa ilalim nito ay ang DEPED, DPWH, DND, DILG, DSWD, DOH, DA, DOTC, DENR at Judiciary.
Target naman ng Kamara na maaprubahan ang budget bago magtapos ang buwan ng Setyembre para masiguro na mapapagtibay ito ng dalawang kapulungan sa Disyembre bago magtapos ang kasalukuyang taon.
Inaasahan naman na magiging masalimuot ang deliberasyon sa budget dahil tiyak na magiging mas mabusisi ang mga oposisyon kasunod ng kontrobersiya sa Disbursement Acceleration Program (DAP).
- Latest