Kondisyon ni PNoy hiling isapubliko
MANILA, Philippines - Hinikayat ng ilang kongresista ang Malacañang na isapubliko ang kondisyon ng kalusugan ni Pangulong Aquino.
Ito ay matapos magkaroon ng mga haka-haka ang publiko na baka may dinaramdam ang Pangulo matapos maging emosyonal sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong Lunes.
Ayon kay Muntinlupa Rep. Rodolfo Biazon, makabubuting malaman ng taumbayan ang estado ng kalusugan ni PNoy para matigil na ang mga espekulasyon.
Bukod dito dapat lumabas kung merong isyu sa kalusugan ang Pangulo.
Paliwanag pa ni Biazon, hindi na dapat maulit pa ang nangyari noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos na itinago ang kanyang health condition.
Para naman kay Eastern Samar Rep. Ben Evardone, bagama’t karapatan umano ng lahat na malaman ang estado ng kondisyon ng Presidente, walang dapat ipangamba dahil nakikita naman ang Pangulo na ginagampanan ang kanyang trabaho at patuloy itong nag-iikot para sa iba’t ibang aktibidad.
Matatandaan na noong huling bahagi ng SONA ay parang namamaalam na si PNoy sa taumbayan.
- Latest