Higanteng buwaya nahuli sa Palawan
MANILA, Philippines - Nagulantang ang mga residente makaraang mahuli ng mga residente dito ang 16 talampakang dambuhalang buwaya sa isang ilog sa Bgy. Rio Tuba, Bataraza, Palawan nitong Miyerkules ng madaling araw.
Ito’y isang linggo matapos na mahuli ang 11 footer na lalaking buwaya sa Brgy. Berong, lalawigan ng Quezon.
Sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, nabatid na nagtulung-tulong ang mga residente na gumamit ng mga lubid at kable upang hulihin ang higanteng buwaya dakong ala-1 ng madaling araw kahapon.?
Nababahala ang mga residente na makapambiktima ang nasabing buwaya bunga na rin ng mga insidente ng mga taong sinakmal ng matatalim na pangil at kinain ng buwaya sa kanilang lalawigan.
Bago nahuli ang dambuhalang buwaya ay nakarinig ang mga residente ng malalakas na ungol malapit sa kanilang mga tahanan at maging sa kulungan ng kanilang mga alagang hayop.
Mayo ng taong ito ay sinagpang at kinain ng buwaya ang mangingisdang si Roel Janai sa nasabing bayan.
Nagtungo naman sa lugar ang isang team ng mga kinatawan ng Palawan Wildlife Rescue and Conservation Center upang suriin ang nahuling giant buwaya ng mga residente dito.
- Latest