‘Troop movement’ sa MM ikinaalarma
MANILA, Philippines - Naalarma ang netizens kahapon sa senaryo ng mga tangke at mga truck ng militar na nakita ang presensya sa Metro Manila sa gitna na rin ng ibinulgar ni Sen. Antonio Trillanes na planong kudeta umano laban sa administrasyon ni Pangulong Aquino.
Agad kumalat sa mga social networking sites tulad ng Twitter, Facebook at Instagram na may ‘troop movements’ na umano sa Metro Manila kaugnay ng isyu sa kudeta.
Sa pahayag naman ni AFP spokesman Lt. Col. Ramon Zagala, nilinaw nito na awtorisado ang presensya ng nasabing tangke at mga escort nitong truck ng militar kaugnay ng pagbibiyahe sa ‘mission essential equipment” o mga armas ng AFP.
Ayon kay Zagala, normal lamang na eskortan ang mga ‘critical items’ kapag ibinibiyahe ito ng tropa ng militar.
Gayunman, ilang opisyal naman ng AFP na tumangging magpabanggit ng pangalan ang nailing na lamang sa nasabing paliwanag sa pagsasabing biglaan ang paghahatid ng mga supply sa AFP General Headquartes na pinalalakas ang kanilang stocks ng firepower upang umano’y paghandaan ang pagdedepensa sa Palasyo ng Malacañang sa gitna na rin ng umano’y planong kudeta.
“They should tell that to the Marines,” anang opisyal na sa halip umanong ibiyahe sa field ang mga armas ay dinadala ito sa main headquarters ng AFP sa Camp Aguinaldo at Philippine Army sa Fort Bonifacio, Makati City.
Dalawang convoy ng military trucks galing sa AFP Northern Luzon at Southern Luzon Command ang ineskortan ng mga Armored Personnel Carrier (APC) na may mga dalang armas at mga bala patungo sa ASCOM (Area Support Command) ng Philippine Army.
“It was a logistics run. The movement has a clearance. They are already in Tarlac,” ayon kay Army spokesman Lt. Col. Noel Detoyato.
Humingi naman ng paumanhin si Zagala sa pagkaalarma ng publiko sa nasabing pagbibiyahe ng mga ‘critical items’ ng AFP.
- Latest