PNoy walang kaba sa kudeta
MANILA, Philippines - Walang pag-aalala si Pangulong Aquino na mayroong magaganap na kudeta sa nalalabi niyang dalawang taon sa gobyerno.
Ayon kay Communications Sec. Sonny Coloma, walang pangamba ang Pangulo na mayroong magtatangkang ibagsak ang kanyang gobyerno sa pamamagitan ng mga destabilization plot.
“No imminent destabilization. The President is not worried about his detractors,” sabi ni Coloma.
Sinuportahan naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pananaw ng Palasyo at itinangging mayroong recruitment na nagaganap sa hanay ng sundalo upang maglunsad ng kudeta.
Wika ni AFP spokesman Lt. Col. Ramon Zagala, walang namomonitor ang AFP na anumang movement o recruitment tulad ng nakuhang report ni Sen. Antonio Trillanes IV na ilang retiradong heneral na kaalyado umano ni dating Pangulong Gloria Arroyo ang naghihikayat sa mga opisyal ng AFP na maglunsad ng kudeta.
Si Trillanes ang namuno sa bigong kudeta (Oakwood mutiny) laban sa administrasyon ni Arroyo noong Hulyo 2003 sa Makati City na nilahukan ng mga opisyal at miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Class 1995 at may 300 AFP personnel.
Sinabi rin ni Zagala na ang pagdalo ng ilang mga retiradong heneral sa demonstrasyon sa SONA ni PNoy ay kanilang karapatan bilang isang demokratikong bansa at bukod dito ay wala na ang mga ito sa serbisyo.
Naniniwala rin sila na hindi porke’t lumahok sa rally ay nangangahulugan na nagpaplano ng destabilisasyon ang mga retiradong heneral na naging malapit sa dating administrasyon.
“They (retired generals) can attend rallies but it doesn’t mean that, I don’t know the interpretation of, but as far as destabilization within the ranks of the AFP there is none,” paliwanag pa ni Zagala.
- Latest