P10B DAP pampapogi ni Mar - Toby
MANILA, Philippines - Ginagamit umano ni Department of Interior and Local Government Secretary Mar Roxas ang P10 bilyong pondo niya mula sa Disbursement Acceleration Program para isulong ang kanyang kandidatura sa halalang pampanguluhan sa taong 2016.
Ito ang tinuran kahapon ni United Nationalist Alliance (UNA) Secretary General Toby Tiangco na nagpahayag pa ng pagkadismaya sa pagiging galante ni Budget Secretary Butch Abad sa pagbibigay ng P10 bilyon kay Roxas na ipinalalagay na magiging kandidatong presidente ng makaadministrasyong Liberal Party.
Pinuna ni Tiangco na tumanggap si Roxas ng naturang pondo mula sa DAP para sa mga proyekto kahit meron na itong nakalaang pondo sa regular na badyet ng DILG.
Ayon kay Tiangco, ginagamit umano ni Roxas ang “Oplan Likas” (Lumikas para Iwas Kalamidad at Sakit) para maisulong ang presidential campaign nito. Ang Oplan Likas ay isang programa ng DILG na naglalayong ilikas ang 40,000 informal settler na pamilya mula sa mga mapanganib na sona sa iba’t-ibang bahagi ng Metro Manila.
“Ayun, nagkabistuhan na! Malinaw na ginagamit sa politika ang DAP para pumogi si Mar Roxas. Siya mismo ang umaming P10 billion ang pera ng DILG na galing sa DAP,” sabi pa ni Tiangco.
- Latest