Klase sa Pasay at Muntinlupa, suspendido pa rin
MANILA, Philippines - Muling nag-abiso kahapon ang pamahalaang lungsod ng Pasay at Muntinlupa na suspendido pa rin ang klase mula sa preschool, elementary at high school ngayong araw na ito (Hulyo 18) dahil sa kawalan pa rin ng supply ng kuryente dahil sa paghagupit ng bagyong Glenda.
Nabatid, na alas-3:00 ng hapon nang i-anunsyo ni Pasay City Mayor Antonino Calixto, na wala pa rin pasok ngayon ang preschool, elementarya at high school sa mga pampublikong paaralan lamang.
Kabilang din sa walang pasok ngayon ang City University of Pasay na public school naman ito.
Sinabi ni Calixto, na ilang bahagi ng lungsod ang wala pa ring kuryente habang ang ilang paaralan naman ang kailangang linisin dahil sa binaha ang mga ito.
Ang mga pribadong paaralan ay maaaring magkani-kaniyang anunsiyo na lamang kung sakaling nais nilang magkansela ng klase dahil sa patuloy pa rin ang pag-ulan kahit wala na sa Metro Manila ang bagyong Glenda.
Samantala inihayag pa ni Calixto, na nasa 66 bilang ng kapulisan ang ipinakalat sa ilang pangunahing kalsada sa lungsod para ipagpatuloy ang paglilinis dahil sa iniwang mga kalat ng bagyong Glenda.
Ayon kay Pasay City Chief for Operations Senior Inspector Benson Pimentel, ang nasabing mga pulis ay i-di-deploy sa mga lugar na may mga naiwan pang mga nagtumbahang puno, kahoy at poste.
Kung saan suot ng mga ito ang kanilang Search and Rescue (SAR) Uniform (blue PNP t-shirt at camouflage pants) na may mga dalang pala, cutter at iba pang gamit sa kanilang isasagawang clearing operations.
Kabiilang sa mga iikutan ng mga pulis ay ang area ng Roxas Boulevard, EDSA-Buendia Avenue at Philippine International Convention Center (PICC).
Maging ang pamahalaang lungsod ng Parañaque ay nag-anunsyo din na wala pa ring pasok sa eskuwela ang mga nasa preschool, elementary at high school mula sa public at private.
Ayon naman kay Tess Navarro, hepe ng Public Information Office (PIO) ng Muntinlupa City, na hanggang sa ngayon ay suspendido pa rin ang pasok sa mga eskuwela dahil sa kawalan pa rin ng supply ng kuryente dahil sa maraming poste ang natumba.
Sinabi pa ni Navarro, na nagdeklara na rin ang pamahalaang lungsod ng Muntinlupa ng state of calamity sa naturang lugar.
- Latest