Nasawi kay ‘Glenda’ 50 na
MANILA, Philippines - Umaabot na sa 50 katao ang naitalang nasawi, 17 ang nasugatan at apat pa ang nawawala habang mahigit 1-milyon ang naapektuhan sa pananalasa ng bagyong Glenda sa Region I, III, IV-A, IV-B, V, VIII at National Capital Region (NCR).
Sa pinagsamang ulat kahapon ng PNP, Office of Civil Defense Region IV-A at National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), kabilang sa mga nasawi ay ang fire volunteer na si Jomark Diaz ng Pasig City.
Kasama rin sa mga huling naitalang nasawi ay si Mario Moral, 56 anyos, kapitan ng lumubog na Fishing Boat FB Hanah Shane, residente ng Brgy. 6 Julugan, Tanza, Cavite habang dalawa pa nitong kasamahan ang nawawala at 3 naman ang nailigtas ng Philippine Navy Seal sa Sangley Point, Cavite.
Nadagdag din sa talaan ng mga nasawi ay sina Pacita Jagine, 42, ng Sto. Tomas, Pampanga na na-stroke matapos matanggalan ng bubong ang tahanan at Felipe Royo, 56 ng Janiuay, Iloilo na unang napaulat na nawawala.
Sa ulat, pininakamaraming naitalang nasawi ay sa CALABARZON na umaabot sa 33 katao, 2 sa National Capital Region (NCR), 4 sa Region III, 5 sa Region IV-B, 4 sa Region V, 2 sa Region VIII at isa naman sa Iloilo.
Karamihan sa mga namatay ay nabagsakan ng puno, pader at poste habang ilan naman ang nalunod sa baha.
Nasa 17 katao ang naitalang sugatan habang 4 pa ang nawawala at patuloy na pinaghahanap. Kabilang sa mga nawawala ay nakilalang sina Eliseo Perez at Angel Tungaya ng Padre Burgos, Quezon; Angelo Capunpon ng Batangas at George Camillo ng Boac, Marinduque.
- Latest