Hudikatura muling binira ni PNoy
MANILA, Philippines - Muling binira at ipinahiya ng Pangulong Benigno Aquino III ang Korte Suprema sa harap ng World Bank official at business community kahapon.
Sa ginanap na Daylight Dialogue sa Malacañang, inulit ng Pangulong Aquino ang pagkuwestiyon sa desisyon ng SC at kanyang babala sa banggaang Ehekutibo at Hudikatura.
Ayon sa Pangulo, nakakahiya ang ruling ng SC at malaking dagok ito sa umuusbong na ekonomiya ng bansa na sinimulan sa pagpapatupad ng mga programa at proyekto gamit ang mekanismo ng DAP.
Aniya, maaaring magbunga ito sa ‘state of paralysis’ at maantala ang galaw sa burukrasya dahil sa pagdedeklara ng SC na unconstitutional ang ilang parte ng DAP.
Inihayag ng Pangulong Aquino na kinukuwestiyon ang kanilang hakbang dahil sa pagiging transparent sa mga proyekto.
Tiniyak nitong magsasagawa ng imbestigasyon ang Commission on Audit at mananagot ang naglustay ng pondo sa Disbursement Acceleration Program habang magsasampa naman ng motion for reconsideration ang gobyerno sa SC kaugnay sa naging desisyon nito, kahit 13-0-1 ang naging botohan tungkol sa DAP.
Pero nilinaw ng Pangulong Aquino na wala itong sama ng loob sa Korte Suprema.
- Latest