2 impeachment vs PNoy isasampa na
MANILA, Philippines - Ihahain na ng mga militanteng grupo sa Kamara sa loob ng linggong ito ang dalawang impeachment complaint laban kay Pangulong Aquino.
Ayon kay Kabataan partylist Rep. Terry Ridon, posibleng sa Huwebes na ihain ng grupo nila ang impeachment complaint samantalang ang grupong Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) naman ay sa Miyerkules.
Paliwanag ni Ridon, minimum na dalawang complaints ang isasampang reklamo ng Makabayan bloc. Ang complaint ng Bayan ay i-eendorso ng mga kongresista mula sa Bayan Muna at Gabriela habang ang sa kanila ay ang Kabataan partylist ang mag-eendorso.
Inaasahan naman ng mambabatas na minimum ng 50 complainants para sa Youth Act Now at pipilitin pa nilang makakukuha pa ng mas maraming complainant kung saan karamihan ay posibleng mula sa grupo ng mga estudyante o student councils sa buong bansa kaya nationwide ang pangangalap nila ng pirma.
Dalawa naman ang magiging basehan ng reklamo ng grupo kabilang dito ang culpable violation of the constitution at betrayal of public trust na umano’y pinakamalakas na ground dahil sa isyu ng paggamit ng pondo ng Disbursement Accelaration Program (DAP).
Nilinaw naman ni Ridon na betrayal of public trust ang kanilang ground na ginamit dahil mas madali itong patunayan kumpara sa bribery.
- Latest