CGMA sinuspinde ng Sandiganbayan
MANILA, Philippines - Pinasususpinde ng Sandiganbayan si Pampanga Rep. Gloria Arroyo ng 90 araw kaugnay ng kasong graft na may kinalaman sa ZTE deal.
Ayon sa Sandiganbayan 4th division, kailangan nang itigil ni Arroyo ang tungkulin bilang representante ng lalawigan ng Pampanga dulot na rin ng kinasasangkutan nitong kaso.
Tulad nina Sens. Bong Revilla at Jinggoy Estrada na may kasong plunder at graft ay una nang inatasan ng Sandiganbayan na suspendihin sa puwesto dahil sa naturang kaso.
Alinsunod sa batas, kapag may kasong kriminal ang isang opisyal ng gobyerno ay nararapat lamang na ito ay suspendihin sa puwesto habang binubusisi ang kanyang kaso.
“Accused Ma. Gloria Macapagal-Arroyo is ordered suspended from office pendente lite and said accused is hearby directed to cease and desist from performing and/or enjoying the salaries, benefits and privileges of her present public position or any other public office or position she may now or hereafter be holding, effective upon motive hereof and continuing for a period of ninety days,” nakasaad sa utos ng graft court.
Inatasan naman ng Sandiganbayan si House Speaker Sonny Belmote na ipatupad ang naturang suspension order.
Binibigyan naman ng 15 araw si Mrs. Arroyo na mag-file ng motion for reconsideration.
Si Arroyo ay kinasuhan ng graft ng tanggapan ng Ombudsman noong December 2011 dahil sa umano’y pag-apruba nito sa $329-million NBN-ZTE contract na sinasabing nagkaroon ng iregularidad.
Pinadalhan na ng kopya ng kautusan si Arroyo sa Veterans Hospital kung saan doon ito naka-hospital arrest.
- Latest