PNP pinagpapaliwanag sa ‘VIP’ treatment kina Bong, Jinggoy
MANILA, Philippines - Pinagpapaliwanag ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang hepe ng PNP Custodial Center matapos na lumagpas sa oras ang visiting hours na itinakda para sa pamilya at mga kaibigan nina Sen. Ramon Revilla Jr. at Sen. Jinggoy Estrada sa Camp Crame.
Ikinagulat din ng Malacanang ang ulat na binigyan ng VIP treatment ang 2 senador ng lumampas sa visiting hours ang mga dumadalaw na kaibigan, kaanak ng mga mambabatas sa PNP Custodial Center.
Ayon kay PNP Chief Director General Alan Purisima, inatasan na niya si Headquarters and Support Service (HSS) Director P/Chief Supt. Benito Estipona upang imbestigahan ang mga opisyal at tauhan ng PNP Custodial Center sa nasabing isyu.
Dahil dito ay binigyan naman ng palugit na 48 oras ni Estipona si Sr. Supt. Mario Malana, hepe ng PNP Custodial Center para magpaliwanag.
Ang visiting hours para kina Revilla at Jinggoy ay mula alas-9 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon tuwing Huwebes at Linggo.
Gayunman nitong Hunyo 29 ay inabot pa ng ala-1 hanggang alas-3 pa ng madaling araw kinabukasan ang mga bisita ng dalawang Senador mula sa kanilang mga pamilya at mga malalapit na kaibigan.
Kabilang rin sa mga naging bisita ng dalawang Senador ay ilang mga artista na kaibigan ng kanilang pamilya tulad ni Tirso Cruz III na alas-3 na ay nakita pang naglalabas masok sa nasabing detention facility.
Samantalang , bumaha rin ng masasarap na pagkain tulad ng litson at iba pa na dinala ng kanilang mga bisita sa selda nina Revilla at Jinggoy para pagsaluhan.
Inihayag naman ni Sindac na walang paglabag sa pagdadala ng maraming mga pagkain ng mga bisita ng dalawang Senador na pinahihintulutan naman sa nasabing piitan.
Nabatid pa na sakaling may paglabag ay reprimand at pagkakasibak sa puwesto ang maaring kaharapin ng kinauukulang opisyal at mga tauhan nito.
- Latest