China nagpapalawak ng istruktura sa Spratly
MANILA, Philippines - Nagpapalawak ng itinatayong istruktura ang China sa bahagi ng Mabini Reef (Johnson South Reef) na sakop ng Spratly Islands sa Palawan.
Kinumpirma kahapon ni Dr. Peter Paul Galvez, spokesman ng Department of National Defense na mayroon silang naobserbahan na paggalaw sa bahagi ng Mabini Reef.
Nilinaw naman ni Galvez na ayaw muna nilang magbigay ng anumang espekulasyon kung anong uri ng istruktura ang ginagawa ng China sa lugar.
Aminado naman si Galvez na lubhang nakakaalarma sa isyu ng pambansang seguridad ang panibagong kapangahasan ng China.
Inamin nito na naobserbahan nila na may aktibidad sa Mabini Reef nito pang Enero hanggang Pebrero ng taong ito pero habang nagtatagal ay napansin rin nilang palaki ito ng palaki.
Bukod dito ay nagsasagawa rin ng routine maritime patrol ang security forces ng China sa may bahagi ng Spratly Islands.
Sa naunang impormasyon ay tila airstrip umano o landing area ng mga sasakyang panghimpapawid ang itinatayo ng China sa Mabini Reef.
- Latest